Dekada 80

Ako si Ka. Arnold, isa akong dating kumander ng kilusang makakaliwang grupong New People’s Army (NPA) na kumikilos sa bahaging Timog ng bansa. Noong dekada 80, kaliwa’t kanang ang ginawa naming pag-atake laban sa puwersa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa aming lalawigan. Araw-araw ay marami kaming napapatay na mga sundalo sa pamamagitan ng pag-ambush at pagsalakay sa kanilang mga kampo. Bagama’t marami ang aming napatay sa panig ng puwersa ng pamahalaan, marami rin ang nalalagas sa aming samahan. Prinsipyo namin na ipaglaban ang demokrasya at kalayaan para sa sambayanang Pilipino maging sa bayan. Sumapi ako sa samahang ito upang ipaghiganti ang aking pamilya na walang awang pinatay ng mga sundalo habang lulan ng pampasaherong dyip ang aking mga magulang at apat na kapatid na lalaki. Pinagbintangang silang mga miyembro ng NPA kaya’t walang awa silang pinaslang isang hapon sa isang bayan sa lalawigan ng Lanao del Norte. Mula nang ilunsad ang Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, marami ang nagrebelde ng mga panahong iyon. Ito ay dahil sa labis na labis na paggamit ng kapangyarihan ng mga kinauukulan maging ng matataas na opisyal na mga sundalo.

19-anyos ako nang magrebelde laban sa pamahalaan. Umabot sa mahigit isang buwan ang pagsasanay ko para matuto kung paano gumamit ng ng mataas na kalibreng baril maging ang mga taktika sa pakikipaglaban sa mga sundalo. Isang hapon noong 1984, inambus namin ang anim na 6×6 truck na dumadaan sa isang kalsada na napalibutan ng matayog na bangin. Nang makatawid sa tulay ang nasabing sasakyan, binanatan agad ng aming mga kasamahan na nasa kabilang bundok ang huling 6×6 truck. Sabay-sabay rin naming pinaulanan ng mga bala mula sa aming mga malalakas na sandata ang unang sasakyan ng mga sundalo. Dito ko nasaksihan ko paano napapatay ang mga sundalo matapos tamaan ng mga bala buhat sa aming samahan. Mabilis na nagsitalon mula sa kanilang mga sasakyan ang ibang mga sundalo at nakipagpalitan ng putok sa amin. Matinding bakbakan ang naganap nang mga oras na iyon. Nang makita ko ang anim na sundalo na nagkukubli sa isang malaking bato, kaagad ko itong pinaulanan ng mga bala gamit ang aking M-60 machine gun. Patay agad ang anim na mga sundalo. Ni isang bala ay hindi sila naganti ng putok sa aking panig. Habang patuloy na tumatakbo ang oras, walang puknat na bakbakan din ang nagaganap. Mga malalaking pagsabog at iba’t ibang uri ng putok mula sa matataas na kalibreng baril ang naghari sa hapong iyon.

Mahigit kami sa 50 sa aming kinaroroonan. Nang gumanti ang mga sundalong nakapagtago sa isang malaking bato, nalagasan kami ng apat. Basag ang mga bungo at putol-putol ang mga katawan ng kasamahan ko nang tamaas sila ng bala mula sa mga kalaban. Dahil sa tindi ng aking galit, tumayo ako at tumakbo patungo sa kinaroroonan ng nagtatagong mga sundalo. Walang habas kong pinapatukan sila gamit ang aking armas hanggang sa sila ay aking napatay. Lingid sa aming kaalaman, daang-daang sundalo na pala ang nakapagresponde sa lugar ng bakbakan. Kaagad nagbigay ng hudyat ang aming kumander na tumakas na baka marami pa ang malalagas sa aming grupo. Habang patuloy ang bakbakan, dahan-dahan kaming umuurong patakas bitbit ang mga kasamahan naming nasawi. Batay sa aming napag-alaman, umabot sa 39 na mga sundalo ang napatay sa ambush naming iyon. Sa aming panig naman, 11 rin ang namatay. Iyon ang unang giyera na sinamahan ko. Nang lumaon, naging bihasa na ako sa giyera na nakatawag pansin naman sa aming kumander. Nang salakayin namin ang isang kampo ng mga sundalo sa bahaging kanluran ng Lanao del Norte, nasawi ang aming kumander na si Ka. Eddie. Dahil sa husay ko sa larangan ng pakikipagbakbakan, hinirang ako ng aking mga kasamahan bilang kumander. Sa ilalim ng aking pamumuno, kaliwa’t kanan din ang ginawa naming pang-a-ambush sa mga sundalo, at pagsalakay sa kanilang mga kampo.

Nang mga panahong iyon, marami na ang sumasapi sa aming kilusan. Karamihan sa kanila ay mga biktima ng pang-aabuso, karasahan at kasakiman ng ilang sundalo na gahaman. Hangad naman ng ibang sumasapi na mabago na ang sistema ng pamahalaan dahil sa bugok na pamamalakad ng dating Pangulong Marcos. Dahil sa patuloy naming pagdami, mas matitindi pa ang ginawa naming pag-atake laban sa tropa ng pamahalaan. Marami ang nasawing sundalo nang mga oras na iyon. Isang umaga, isa sa mga alagad ko ang lumapit sa akin at ipinagbigay-alam na may isang dalaga na ibig sumali sa aming kilusan. Siya si Rowena, 19-anyos, maganda, sexy at may pagka-mestisahin. Sa aming pag-uusap, pare-pareho ang aming dahilan kaya sumapi sa makakaliwang kilusan. Pinatay rin ang kanyang mga magulang maging ang kanyang mga kapatid nang magsagawa ng operasyon ang mga sundalo sa kanilang nayon. Pinagbintangan umano ang kanyang pamilya na sumusuporta sa mga rebelde kaya’t pinagbabaril ang mga ito. Ibig niyang ipaghiganti ang kanyang pamilya. Sa loob ng tatlong linggong pag-e-ensayo, isinabak ko na si Rowena sa isang ambush sa isang Brgy. Balili sa bayan ng Kapatagan. Matindi ang giyerang iyon. Habang nasa kaligtaan ng bakbakan, nakitaan ko ng husay si Rowena. Bukod sa matalino, alam din niya ang mga taktika sa panahon ng kagipitan. Nakaganti man ng putok ang mga sundalo sa aming panig, patay rin sila lahat. Iyon ang operasyon namin na itinuring naming tagumpay dahil ni isa aming panig ay walang nalagas. May mga pagkakataon na kami ni Ka. Rowena ang madalas na magkasama sa pagsalakay sa mga kampo ng sundalo. Magaling siyang mag-isip kaya’t humihingi rin ako sa kanya ng taktika para magtagumpay ang aming operasyon.

Comments

Scroll To Top