Dekada 80

SUNDAN

“Kumander, pinatay ng mga sundalo si Mang Robin kahapon,” malungkot na ibinalita ni Ka. Alfon sa akin.

Si Mang Robin ay isa sa aming mga impormante.

Isa siyang magsasaka subali’t kapag nabalitaan siyang operasyon ng mga militar sa kanilang lugar inireport niya agad sa aming pangkat.

“Ganu’n ba. Sige, magpahinga muna kayo at may mahalaga tayong lakad mamayang gabi,” bilin ko sa kanila bago ko sila nilisan.

“Sige po, Kumander.” tugon nila.

Bumalik ako sa aking silid kung saan nandoon ang aking magandang kasintahan, si Ka. Rowena. Matapos ang aming mahalagang pagpupulong nang hapon iyon ay alerto na ang aming pangkat. Nagsimula na kaming maglakad patungo sa isang malaking kampo ng sundalo sa lungsod ng Marawi. Umabot sa 1,000 ang aming puwersa nang salakayin namin ang kampong iyon. Dakong alas 2:00 nang madaling araw, pinalibutan namin ang Camp Ranao. Nakakubli ang iba naming kasama sa paligid ng nasabing kampo. Alerto sila sa paghawak ng kani-kanilang baril. Gigil na gigil sa pagpapaputok at handa nang pumatay ng mga kalaban.

Nakita namin ang isang tower kung saan nakapuwesto ang ilang sundalo. May tatlong M60 machine gun doon. Natitiyak naming nakaalerto rin ang mga sundalong nakapuwesto sa nasabing tower. Tahimik ang paligid ng nasabing kampo. Tila mahigpit din ang seguridad ng mga sundalo sa kanilang kampo. Pero nang mga sandaling iyon ay hindi nila batid na may malaking bakbakan na magaganap. Sa operasyon naming iyon ay hindi ko kasama si Ka. Rowena kaya’t panatag ang aking kalooban. Nananatili siya sa aming kuta sapagka’t batid kong hindi pangkaraniwan ang pagsalakay namin sa kampo ng mga sundalo. Tumingin ako sa paligid. Lumakas ang loob ko nang makita kong nakaalerto na rin ang mga kasamahan kong kumander sa kanilang puwesto. Ang hudyat ko na lang kanilang inaantabayanan. Sumenyas ako sa aming mga snipper para humanda. At ilang sandali pa’y nagkaputukan na ang mga armas ng aming mga snipper sa puwesto ng mga sundalo na nasa tower. Laglag ang mga sundalo sa tower na iyon. Ni isang putok ay hindi sila nakaganti. Matapos iyon ay sunud-sunod na putukan na ang nagaganap buhat sa aming kilusan.

Nakipagpalitan na rin ng putok ang mga sundalo na mabilis nagkober sa kanilang kampo. Nakipagsabayan sila ng putok sa aming puwersa na noon ay mabangis na niratrat ang mga kalaban. Lumikha ng matinding putukan ang madaling araw na iyon dahil sa matataas at malalakas na mga uri ng baril na sabay na nagpuputukan. Mula sa aking puwesto, ikinasa ko na ang armas kong M60 machine gun at walang humpay na diligan ko ng mga bala ang mga kalabang militar. Hindi ako tumigil sa pagpapaputok hangga’t hindi nauubos ang bala ng aking machine gun. Kaagad akong nagkubli sa pinagtataguan kong bato nang makita kong humagis ng hand granade sa puwesto ko ang isang sundalo na may ilang hakbang ang layo mula sa aking kinaroroonan. Laking gulat ko nang malaman kong hindi nakarating sa akin ang inihagis na granada. Nakita kong nag-thumbs up ang isa sa mga kasama ko, na ang ibig sabihin ay nasapol niya ang sundalo na nagtangkang maghagis sa akin ng nasabing granada. Ilang sandali pa ay nagliwanag ang buong paligid ng Camp Ranao. Bunsod iyon ng pagkasunog ng mga 6×6 trucks na nasa loob ng nasabing kampo. Kitang-kita kong nagtakbuhan ang ilang mga sundalo para magtago subali’t bago pa man sila makarating sa isang lugar na tangka nilang pagkoberan ay nahagip na sila ng mga bala buhat sa amin. Kaliwa’t kanan ang putukan. Tila walang kaubusan ang aming mga bala.

Makalipas ang ilang sandali ay unti-unti nang humuhupa ang mga putok sa panig ng militar. Naging maingat kami habang papalapit sa kanila upang matiyak kung patay na ang ilan sa kanilang mga kasamahan. Habang papalapit kami sa kampo ay nagpaputok ng kani-kanilang baril ang ilang sundalo na sa tantiya namin ay hindi na umabot sa dalawampu ang mga iyon. Unti-unti silang nalalagas dahil sa mga snipper namin na bawat putok ng armas ay tiyak na bulagta ang kalaban kapag lumutang sa kanilang pinagtataguan. Dahan-dahan kaming umuusad palapit sa kampong iyon. Nang makailang metro na kami ay sumambulat ang isang malakas na pagsabog mula sa kanang bahagi ng aking puwesto kung saan naroon ang mahigit sa 200 kasapi ng aming kilusan. Malakas na yanig at nagliwanag ang paligid doon at nasaksikhan kong tumalipon ang ilan sa mga kasamahan namin nang tamaan ng pagsabog na iyon. Sabay-sabay kaming nagkubli at saglit na nakiramdam sa paligid. Isa pang malakas na pagsabog ang sumambulat sa bahaging kanan ng aking kinaroroonan. Narinig namin ang mga ugong na tila paparating sa aming pinagtataguan. Mabilis kaming bumalikwas at nagtakbuhan palayo para makaiwas sa posibleng pagtama ng mga bomba na pabagsak sa aming kinaroroonan. Sunud-sunod pang mga putok na iba’t ibang uri ng baril na umaalingawngaw isang kilometro mula sa kampong iyon.

Kaagad akong naghudyat sa aking mga kasamahan na ‘wag lisanin ang Camp Ranao at sa halip ay harapin ang mga sundalong paparating at makipagbakbakan ng harap-harapan sa kanila. Marahil, nakatawag na sa kanilang headquarters ang mga sundalo na nasa Camp Ranao ilang minuto nang umusbong ang matinding bakbakan sa kampo na aming sinalakay. Ginamitan namin ng mga bazooka ang mga kalabang sundalo kaya’t hirap silang makausap palapit sa amin. Wala ring humpay sa pagbato ng mga granada ang iba naming tropa doon sa panig ng mga kalaban. Nakaalerto rin ang aming mga snipper sa mga puno na bumabaril sa nakikitang kalaban. Nakapuwesto na kami kaya’t tagilid ang mga militar na bawiin ang kanilang kampo matapos namin itong makubkob. Walang puknat ang palitan ng mga putok ng mga oras na iyon. Habang patuloy ang bakbakan, napansin kong marami na sa aming panig ang nalagas. Kinakabahan ako sa pangambang baka maubos kami. Bandang alas singko ng umaga, kasabay ng unti-unting pagliwanag ng paligid, wala pa ring hupa ang bakbakan. Nakipagpalitan pa rin ng putok ang aming kilusan sa mga sundalo. Nagpasya na kaming umurong nang magsidatingan na ang anim na helicopter ng pamahalaan. Sumugod din ang mga tangke de giyera ng mga sundalo mula sa aming kinaroroonan. Habang paatras kami ay tumaas pa ang bilang ng mga nasawi sa aming panig.

Comments

Scroll To Top