Ginto sa Putikan
Magkapatid na halos ang turingan nila. Pero mula noon ay bumaba ang tingin ni Jojo kay Max. Ang paghanga at paggalang ay parang naglahong bula. Di rin maipaliwanag ni Jojo kung bakit. Marahil ay dahil nasaktan si Daisy?
Alam ni Jojo na sadyang nasaktan si Daisy. Dahil sa kiss and tell na si Max ay bumaba ang pagtingin ng iba kay Daisy. Nawala ang tiwal ni Daisy kay Max kaya’t nakipagkalas ito. Ito naman si Max di matanggap na break na sila ni Daisy, kaya pinagkalat na naman na siya ang may gusto ng break-up. Ang dinadahilan nito ay mayroon daw ibang boyfriend si Daisy. Pero hindi ito totoo. Alam din ni Jojo na dahil sa kuwento ni Max ay halos lahat ng kalalakihan sa kanila ay nanligaw din kay Daisy. Lahat naman ito ay binasted ng dalaga. Pero siguro lalaki ang mga ito pinagsasabi nilang may nangyari daw pero wala naman.
Meron pa ngang malaking eskandalong kumalat, nang mapilitan lumipat sila Daisy sa probinsiya. Nagkasakit ang kanyang Lolo at kinakailangan manirahan sila doon. Aalagaan kasi ng Ama ni Daisy ang lupain doon. Nasa abroad ang mga kapatid nito. Matanda at masakitin na ang Lolo niya. Ang ama ni Daisy rin ang panganay sa magkakapatid. Kung kaya’t nagpaalam ito sa kanyang pinagtratrabahuhan. Ngunit dahil sa kalat na rin ang tungkol kay Max at Daisy ay kumalat na buntis daw si Daisy at doon nagpapahinog. Galit na galit si Tito Jun ang ama ni Daisy. Muntik nga niyang patayin si Max, pero buti na lang at napagsabihan siya ng Daddy ni Jojo.
Ganoon kalaki ang pagkakaibigan ng mga magulang nila. Para na silang magkakapatid. Noon din napag-isipan ng ama ni Daisy na manirahan sa probinsiya, permanente. Kaya nga tuluyan ng nagpakalayo ang pamilya ni Daisy. Lungkot na lungkot noon si Jojo at nawala sila Daisy. Pinarenta nila ang bahay. Sila Max naman ay lumipat din. Naapprove na ang petisyon sa magulang niya sa Canada. Nagkalat na naman ang chismis na pumunta rin si Max sa probinsiya upang habulin si Daisy. Pero alam ni Jojo ang totoo.
Halos linggo-linggo ay panalangin ng binata na sana ay bunalik din ang dalaga. Ewan nga ba pero dahil na rin siguro sa panalangin ni Jojo ay wala pang dalawang taon at muling nagbalik ang pamilya nila Daisy. Namatay ang lolo nito at ayaw naman ni Tito Jun makipaggalit sa mga kapatid. Binenta na lang ang lupain sa probinsiya at pinaghatihatian nila. Pero ayaw sana bumalik ng ama ng dalaga, dahil noong nasa probinsiya sila ay nagkaroon ng kapatid na bago si Daisy. Baka kumalat pang totoo ngang nabuntis ito at kanya ang nakababatang kapatid na lalaki. Ang magulang ni Jojo ang nagkunbinsi sa ama ng dalaga. Kaya nung bumalik sila Daisy sa Subdivision ay pinangako ni Jojo sa magulang nito na siya mismo ang magbabantay sa kababata. Malaki ang tiwala ni Tito Jun sa binata kaya pinabayaan nito. Medyo nagbalik ang tiwala ng magulang ni Daisy sa dalaga. Di rin naalis ang pinangangamba ng magulang ng dalaga pero nandoon si Jojo at pamilya nito upang ipagtanggol si Daisy.
Guwardiyadong mabuti ni Jojo ang dalaga na ikinagalak naman ng binata. Sa lahat ng lakad ay kasama siya. Kaya sa paglipas ng taon ay kay Jojo nagpapaalam ang kabarkada nito bago manligaw kay Daisy. At kung meron man itong date ay chaperon si Jojo. Dahil nga dito ay parating nag-aaway ang magkababata. Daig pa raw ni Jojo ang ama sa pag bantay sa dalaga. Muling bumalik ang pag-iisip ni Jojo sa kasalukuyan. Malakas na talaga ang ulan. Wala yata si Daisy o sino man tao sa bahay. Wala kasi ang kotse nila Daisy sa may garahe. Pero bakit bukas ang ilaw sa bahay lalo na sa may kuwarto ng dalaga.
Pumasok si Jojo sa bakuran. Nag-iisip kung ano ang gagawin. Nang biglang naalala ang puno ng bayabas sa tagiliran ng bahay. Ang punong kung tawagin nila ni Daisy ay “Yggdrasil“ ang puno ng buhay. Dito kasi lagi dumadaan si Daisy pagtumatakas at makikipaglaro sa kanya. Maging ang kapatid na nakakabata ay dito rin dumadaan pag ayaw palabasin ng kanilang magulang. Malaki na rin ang pakinabang nila sa punong ito. Pero matagal na rin siyang di umaakyat dito. Apat na taon na mula nang magkolehiyo. Iniisip niya na baka di na siya makayanan ng sanga at baka mapahamak pa siya. Pero ano ba ang pagkapahamak sa kaniyang mga naranasan na dahil sa kanyang kababata.
Tanda pa niya noon nang nasa college na sila ni Daisy. Pareho sila ng Unibersidad pinag-aral ng mga magulang. Magkaiba nga lang kurso. Pareho rin silang mahilig sa sports. Si Jojo ay naging varsity player ng Unibersidad. Si Daisy naman ay mahilig mag volleyball. Di nga lang ito varsity player dahil ayaw ng magulang niya. Baka raw di siya mabantayan ni Jojo. Pero sa totoo lang ayaw ng magulang ni Daisy ang masyadong ginagabi sa pag-uwi ito. Eh kung varsity ka naman nga ay may pagkakataon gabihin ka lalo na’t kung mayroon kang ensayo. Sa may intrams ay laging nandoon si Jojo. Bantay sarado ang beauty ni Daisy. Pero wise si dalaga, lagi niyang inimamatch si Jojo sa mga kaibigan niya. Nandoon na halos ipamigay na siya ng dalaga. Lalo na noong maging best friend ni Daisy ang isang bagong estudiyante, Si Nicole. Nag-enroll si Nicole ng nasa second year na sila.
Comments