Ang Kalapitbahay

Ang Kalapitbahay

Para sa akin ay makulay ang nakaraan ko. Makulay na ang ibig kong ipakahulugan ay maraming pangyayari na hindi ko lubos maisip kung bakit biglang dumating ito sa akin. Ngunit inaamin ko sa aking sarili na ako talaga ang nagkamali. Dahil kung hindi siguro ako nagpadala sa tukso at buyo ng damdamin ay baka buo pa rin ang pamilya ko.

Tahimik kaming nagsasama ng aking asawa. Apat ang anak na mga binatilyo’t dalagita na. Ngunit mahirap din pala kapag nagkakasabay-sabay na lumalaki ang inyong mga anak. Problema namin kadalasan ang panggastos sa araw-araw eh hindi naman kalakihan ang kinikita ng mister ko.

Natuto kaming mag-asawa na magtiis, magtipid at isakripisyo ang personal na kaligayahan alang-alang sa mga anak namin. Kapag magkasarinlan na kami sa gabi ay doon namin napapag-usapan na pasasaan at balang araw ay giginhawa rin ang buhay namin kapag napagtapos ang mga bata sa pag-aaral.

Ngunit sadya talaga sigurong dumarating ang mga pagsubok sa buhay. Ang masakit, pag dumating pa ito ay kumakapit sa mga taong katulad namin na maliit lang ang katayuan sa buhay. Natutong gumamit ng bawal na gamot ang pangalawa naming anak na lalaki. Buong akala naming mag-asawa ay maayos na nag-aaral siya ngunit hindi pala.
Nalaman ko na lang sa kanilang eskwela na hindi pumapasok ang anak ko. Pinatawag ako ng teacher niya para kausapin tungkol dito. Kinausap naming mag-asawa ang pangalawa ngunit nagkasakitan pa sila ng kanyang ama. Mula noon, hindi na pumasok ang anak ko at naging palaboy na lang. Kapag umuuwi naman ay nag-aaway silang mag-ama.

Magmula noon laging buryong ang asawa ko. Parang na-depress siya sa ginawa ng anak namin. Hirap na hirap kaming maiahon sila tapos ganito pa ang gagawin niya sa amin ng kanyang ama. At imbes na magbago at humingi ng tawad sa kanyang ginawa ay pinili pa na magpakalulong sa kanyang barkada na masamang impluwensiya sa kanya.

Matagal-tagal na rin iyon nang biglang may dumating na isa pang dagok sa buhay namin. Kasama ang asawa ko sa naalis sa kanilang trabaho dahil hindi na raw kayang magpasuweldo ng maraming tauhan. Ang konting natanggap ng mister ko ay hindi rin nagtagal at naubos agad. Nakahanap naman siya pero hindi permanente. Simula noon pa-sideline, sideline na lang kung mamasukan ang mister ko kaya naman ang hirap pagkasyahin ng kanyang pera.

Dito kami umabot sa puntong nanghihiram na ako ng panggastos minsan. Ang minsan ay naging madalas. Nagkagalit pa nga kami ng isang kapatid ko na hindi namin mabayaran agad ang naiipon na palang pagkakautang namin. Wala namang maitulong ang mga magulang ko dahil matatanda na sila.

Ang hirap ng kalagayan namin. Nagsasakripisyo’t nagtitiis na nga kaming mag-asawa para sa aming mga anak ngunit hindi pa rin ito sapat. Kailangan talaga ang pera upang makaraos kami. Gusto ko sanang umuwi na lang kami sa probinsya ng mga magulang ko ngunit ayaw ng asawa ko. Pipilitin daw niyang kayanin na balikatin ang kanyang pasanin. Ngunit alam kong sa salita lang niya magagawa iyon.

Sa lugar na lang namin ay kinakapalan ko na lang ang aking mukha sa panghihiram kapag kapos na kapos talaga kami. Lalo na kapag kailangan ng mga bata ang pera. Dagdag na pabigat pa ang nagloko naming anak dahil minsan nahuli at naawa naman ako na makulong kaya ginawan ko ng paraan na mailabas dahil menor de edad pa.

Galit na galit sa akin ang asawa ko. Inaway ko dahil bakit ko pa raw kinunsinti samantalang hindi na nga raw siya nirerespeto. Idinadaan ko na lang lahat sa iyak kapag mag-isa na lang ako sa bahay. Mabigat sa kalooban ko ang ginawa ng anak kong lalaki ngunit hindi ko rin matiis na malamang nakakulong siya. Ngunit hayun ang tarantadong anak ko, paglabas ay parang walang anumang nangyari at bumalik pa rin sa dating gawi.

Hindi iyon ang unang pagkakahuli sa kanya. Nang sumunod ay nalaman na ng asawa ko at pinagsabihan agad ako na huwag nang pakikialaman para magkaroon daw ng leksyon. Ilang araw rin na hindi ako mapagkatulog sa pag-aalala. Hindi siguro ako masisisi Xerex na mag-alala dahil sino ba namang ina ang hindi malulusaw ang puso kapag may nangyaring masama sa kanyang anak. Ngunit lahat ng ito ay kinimkim ko lang sa aking sarili.

Gusto ko sanang tikisin ang aking anak para maturuan ng leksyon. Ngunit bumigay rin ang pusong ina sa akin. Nag-isip ako kung paano makakagawa ng paraan para mailabas siya. Kailangan ko na naman ng pera at iyon ang problema kung saan ako maghahagilap ng pampiyansa sa kanya.

Nahihiya na akong lumapit sa mga dati kong nilalapitan. Lalo pa siguro kung lalapit ulit ako sa kanila at malalaman na gagamitin ko lang para sa anak kong nakulong. Ngunit kailangan kong kumilos hanggang sa may nakapagsabi sa akin na subukan ko raw kausapin ang kapitbahay naming si Nanding.

Si Nanding ay hindi naman mayaman ang pamilya. Ngunit medyo nakakaangat ang buhay nila roon sa kalye namin. Kailanman ay hindi ko pa nasubukang lumapit sa kanya. Kaya ito ang unang pagkakataon na susubukan ko pa lang hingan siya ng tulong.

Comments

Scroll To Top