Bumigay sa Kapitbahay

Sa isang karinderya kami tumuloy. Umorder pa siya ng pagkain at habang kumakain kami ay saka lang niya binuksan ang usapan tungkol sa amin. Ipinaliwanag niya na hindi raw niya gustong guluhin ang buhay ng pamilya ko. Ayaw rin daw sana niyang gawin iyon na pinuntahan pa ako sa bahay kung hindi lang dala ng kalasingan niya noong unang pumunta siya sa amin. Ang pangalawa ay ginawa raw niya dahil alam na raw niyang ako lang ang tao sa bahay.

“Ano’ng gusto mo?” sabi ko sa kanya habang nasa kalagitnaan ng pagsasalita si Nanding. Gaya ng dati, walang kagatul-gatol na ipinagtapat sa akin ni Nanding na ako ang gusto niya at wala nang ibang dahilan.

“Eh bakit ako pa, may asawa na ako,” isinagot ko sa kanya. Ngiti lang ang itinugon ni Nanding sa akin. Nang makita siguro na parang nag-uusisa ako sa pagkakatingin sa kanya ay saka lang sumagot. “Wag mong isipin na sinasamantala ko ang problema n’yo, kursunada na talaga kita noon pa. Sabi ko nga sayo, bata ka pa at maganda. Mukhang matanda ka lang dahil sa problema n’yo,” ayon sa kanya sabay ngumiti uli.

Magsasalita pa sana ako ngunit pinutol agad ni Nanding. Sinabihan ako na mabuti pang kumain na lang daw kami. “Saan tayo pupunta pagkatapos dito?” sabi ko sa kanya. Wala raw kaming ibang pupuntahan kundi doon lang para mag-usap.

Buong akala ko na ng mga sandaling iyon ay yayayain agad ako ni Nanding kung saang lugar para magawa ang gusto niyang gawin sa akin ngunit hindi pala. Naging mabait siya sa akin ng araw na iyon. Habang nasa loob kami ng karinderya ay inasikaso niya ako bagay na hindi na nagagawa sa akin ng asawa ko dahil subsob sa trabaho.

Pansamantalang nawala sa loob ko ang pag-aalala. Matapos makakain ay kinausap na ako ng masinsinan ni Nanding. Naging usapan namin na sa labas lang magkikita. Kung may kailangan daw ako ay sabihin ko na sa kanya kapag magkasama kami at hindi puwedeng pupuntahan ko pa siya sa bahay nila. Mabuti na raw iyon para makaiwas sa mga suspetyosong mata sa lugar namin.

“Binabayaran mo ba ako?” sabi ko sa kanya. Natawa si Nanding sa sinabi ko sabay inakbayan ako at pabulong na sinabing, “Madali lang makakuha ng babae kung pera-pera ang usapan pero ayoko ng ganun.” Hindi na ako kumibo sa aking narinig.

Nang maghiwalay kami ng araw na iyon ay alam ko na sa aking sarili na nakalubog na ang isang paa ko sa kumunoy ng pagkakasala. At unti-unti akong lumulubog habang tumatagal na nagkikita kami ni Nanding. Ang mga bagay na hindi ko naisip na gagawin ko pala balang araw ay nagsimula ko nang gawin sa kanya. Tinukso ako at nagpatukso naman ako hanggang sa tuluyang lumubog ang aking pagkatao.

Magmula noon ay ginampanan ko na ang ibig mangyari ni Nanding. Ngunit hindi kabit ang turing niya sa akin. Alagang-alaga niya ako. Hindi man ako humihingi sa kanya ay kusa niya akong binibigyan bago kami maghiwalay kapag nagkikita. Kabilin-bilinan lang niya sa akin na huwag ko raw ipapahalata sa bahay kapag binibigyan ako dahil siguradong pagdududahan ako. Sinunod ko naman ang kanyang bilin dahil alam kong totoo iyon.

Kapalit ng kagandahang-loob ni Nanding sa akin ay ang aking katawan. Sa simula ay pinandirihan ko kapag may namamagitan sa amin. Ngunit kalaunan ay nakasanayan ko na rin. Aaminin ko rin sayo Xerex na dumating ako sa puntong nasiyahan na rin sa ginagawa namin ni Nanding, siguro dahil na rin sa ipinakita niyang kabaitan sa akin.

‘Yun lang Xerex, inaabutan ako ni Nanding ngunit hindi ko mapakinabangan ng husto para sa aking pamilya. Hindi ko sila puwedeng bigyan dahil imposibleng hindi magtatanong ang asawa ko kung saan galing ang pera.

Isa lang ang naisip ko para magamit ang pera. Binabayaran ko pakonti-konti ang mga nahiraman namin. Walang kaalam-alam sa ginawa ko ang aking asawa. Ang pagkakaalam niya ay marami-rami na kaming pinagkakautangan ngunit inunti-unti ko nang binabayaran ang mga ‘yun mula sa perang ibinibigay ni Nanding sa akin.

Guminhawa kahit paano ang kalooban ko dahil gumaan na ang mga kompromiso namin. Ngunit kapalit nito ang katawan ko. Minsan binabagabag ako ng konsensya dahil sa mga ginagawa ko lalo na noong nag-uumpisa pa lang kami ni Nanding. Wala akong magawa dahil nakalublob na ang buong katawan ko sa pagkakasala. Iniisip ko na lang na para rin sa kapakanan ito ng aking pamilya.

Ngunit ewan ko ba kung bakit sa kabila nito ay natutunan ding tanggapin ng kalooban ko si Nanding. Nawala ang pandidiri ko kapag nagtatalik kami. Palibhasa napakabait niya sa akin. Ang dating takot ay napalitan ng kaligayahan kapag kasama ko siya. Ewan ko ba kung bakit biglang nagbago at lumambot ang damdamin ko sa kanya kahit alam kong mali na itong ginagawa ko.

Hindi ko nagawang ilihim ito kay Nanding. Siya man kasi ay nakahalata sa pagbabago ko. Ikinatuwa niya ito at lalo pa siyang bumait sa akin. Ngunit sa kabila nito ay ginampanan ko pa rin ng maayos ang tungkulin bilang asawa’t ina ng aking pamilya.

Comments

Scroll To Top