Bumigay sa Kapitbahay
Isang bagay lang ang napansin ko. Mula nang magbago ang damdamin ko kay Nanding ay parang nag-iba naman ito sa aking asawa. Mas gusto ko pang kasiping si Nanding kaysa sa mister ko. Tingin ko mas nasasarapan ako tuwing patago kaming nagkikita ni Nanding kaysa palagian na lang katabi ko sa pagtulog ang lalaking pinakasalan ko.
Simula rin kasi noong nagkaroon kami ng mga problema sa bahay ay nawalan din kami ng panahon ng aking asawa para sa isa’t isa. Nasubsob ang kanyang isip sa pagtatrabaho dahil sa hirap ng buhay namin. Ako naman ay natuon sa paggawa ng paraan upang makatulong sa kanya lalo na kapag nagigipit kami. Mag-asawa nga kami ngunit wala nang namamagitang pisikal sa amin.
Iba si Nanding dahil agresibo siya sa kama. At nang matutunan ko nang tanggapin ang relasyon namin ay lalo pa siyang naging mainit sa pagtatalik namin. Nadadala ako sa kanyang kapusukan. Sabi pa nga ni Nanding sa akin, masarap daw pala ang ganito. Umayon ako sa kanyang sinabi dahil nasasarapan na rin talaga ako sa piling niya.
Minsan sa pag-uusap namin, binanggit sa akin ni Nanding na ano raw kaya kung maghanap na lang kami ng kahit maliit na kuwartong matutuluyan kapag nagkikita kami. Nagulat ako sa narinig sa kanya. Unang sagot ko agad ay, “Sobra na yata ang gagawin natin.”
Matagal-tagal na rin pala niyang pinag-iisipan iyon. Kaysa lagi na lang daw kaming pumapasok ng motel, mas mabuti pa kung maghanap ng kuwarto na kahit anong oras ay puwede naming puntahan. Dalawang-isip ako sa kanyang sinabi. “Parang ibabahay mo na ako n`yan,”sabi ko.
Ngumiti si Nanding sabay sabing kung gusto ko ay magsama na lang kami. Hiwalayan ko na raw ang aking asawa at ihahanap niya ako ng matutuluyan. Nang tanungin ko kung ganoon din ang gagawin niya ay umiling si Nanding. Ako lang daw at doon na lang niya ako pupuntahan sa tutuluyan ko.
“Seryoso ka ba sa sinasabi mo?” tanong ko kay Nanding. Tumango siya sabay sabing matagal-tagal na rin daw niyang pinag-iisipan ang bagay na iyon. Ngayong napag-usapan na rin lang daw namin ay mabuti pang ituluy-tuloy na namin tutal matagal na rin ang itinatago naming relasyon.
Hindi ako nakahanda sa iminungkahi niya sa akin. Maraming bagay ang pumasok agad sa isip ko. Niloko ko na ang aking asawa iiwanan ko pa ngayon ang pamilya ko. Hindi ko masagot agad ang gustong mangyari ni Nanding sa aming dalawa.
Siya naman ay kinumbinsi ako ng kinumbinsi. Kagagahan, ewan ko ngunit napapayag ako matapos ang ilang ulit pa naming pagkikita at pangungumbinsi niya sa akin. Plinano niya muna ang lahat bago ako tuluyang tumalikod sa aking pamilya.
Naghanap ng matutuluyan kong kuwarto si Nanding. Nang makatagpo ay isinama ako para makita ko raw muna ang lugar at kung gusto ko ay kukunin na niya. Sinadya ni Nanding na malayu-layo sa lugar namin ang hinanap niyang kuwarto. Walang nakakakilala sa amin sa lugar na iyon. Pabor daw iyon para sa aming dalawa para akalain na bago pa lang kaming nagsasama bilang mag-asawa.
Pinag-aralan din namin ang araw ng pag-alis ko na siyempre itinaon kong walang tao sa bahay. Isang sulat ang inihanda ko para sa aking asawa’t mga anak ilang araw bago ang pinag-usapan namin ni Nanding na araw ng pag-alis ko. Hindi rin ako naghanda ng damit para hindi makahalata ang asawa ko. Saka lang ako nag-apura na ipunin ang mga damit ko at ilang personal na gamit ng araw na mismo ng pag-alis ko.
Sa sulat ay hindi ko nagawang ipagtapat sa aking asawa ang totoong dahilan ng pag-alis ko. Hindi ko sinabi na kapitbahay lang namin ang lalaking sinamahan ko dahil siguradong malaking gulo at eskandalo ang mangyayari. Ang totoo ay hindi ko binanggit sa sulat na may sasamahan akong ibang lalaki. Ang sinabi ko na lang ay magbabaka-sakaling makatagpo ng maganda-gandang kapalaran at saka ko sila babalikan.
Ngunit bago ko inabandona ang aking pamilya ay may nabuo nang plano sa isip ko. Sakaling hindi maging maganda ang pagsasama namin ni Nanding ay babalikan ko ang aking pamilya. Siguro naman ay tatanggapin pa rin ako ng aking asawa’t mga anak kapag idinahilan ko sa kanila na nabigo akong makatagpo ng magandang kapalaran sa ibang lugar.
Sakaling maging maganda naman ang pagsasama namin ni Nanding ay hinding-hindi ko na sila babalikan. Inisip ko na magpadala na lang minsan ng pera buhat sa maiipon ko galing sa ibinibigay sa akin ni Nanding. Sa ganitong paraan man lang ay makatulong ako at mabawasan ang aking kasalanan sa kanila bagama’t alam kong walang kapatawaran itong ginawa ko kung malalaman lamang ng aking asawa ang buong katotohanan kung bakit iniwan ko sila.
Parang nagsisimula uli ako sa piling ni Nanding. Usapan namin na hindi magkakaroon ng anak dahil baka maging kumplikado na ang sitwasyon kapag nabuntis ako at nagsilang. Pumayag ako sa ganung usapan dahil naranasan ko na ang magkaroon ng pamilya at hindi ko makayang buhayin. Sinabi ko kay Nanding na ayoko nang maulit pa iyon.
Comments