Bumigay sa Kapitbahay
Ngunit hindi nga siguro tumatagal ang mga relasyon na katulad sa amin ni Nanding. Lalo pa’t wala talaga silang mabigat na problema ng kanyang asawa bago niya ako kinabit. Ang kay Nanding ay kapritso lang ng katawan. Dapat ngang sabihin ay tawag lamang ng laman. Gustong makatikim ng ibang putahe dahil nagsasawa na sa araw-araw na ‘luto’ ng kanyang asawa.
Nagsimula kong mapansin sa kanya na bibihira na lamang akong puntahan noong mahigit isang taon na ang aming relasyon. Subalit hindi naman siya nagkukulang ng sustento at mabait pa rin ang pakikitungo sa akin. Iyon nga lang, napuna ko na nagiging madalang na kung siputin niya ako sa inuupahan kong kuwarto kaya hindi ko maiwasang mag-isip kung ano ang nangyayari sa kanya.
Binanggit ko itong naobserbahan ko sa kanya nang minsan ay dumating siya na nakainom. Akala ko nga magyayaya sa akin na mag-sex kami gaya ng dati niyang ginagawa kapag dumating na nakainom ngunit kabaligtaran sa inaasahan ko ang nangyari. Humiga lang sa kama at gusto raw niyang magpahinga.
Sinamantala ko ang pagkakataon na kausapin siya at dito ko sinabi ang napapansin ko. Ang sagot sa akin ni Nanding ay medyo abala lang daw siya sa negosyo nila. Iniiwasan din daw niya na baka makahalata na ang kanyang asawa dahil minsan ay nagtatanong na sa kanya.
Inusisa ko kung ano ang tinatanong ng asawa niya. Kung saan daw siya naglalagi kapag ginagabi o hindi umuuwi sa kanilang bahay sa loob ng isa hanggang dalawang araw. Nagagawan pa rin daw niya ng paraan ngunit ayaw niyang umabot sa puntong baka mag-usisa na ang kanyang asawa at alamin kung ano talaga ang totoong nangyayari sa kanya.
Wala sa isip na nasabi ko kay Nanding na hindi problema sa akin sakaling gusto na niyang tapusin ang relasyon namin. Tiningnan ako sa mata ni Nanding, tingin na parang sinusukat ang aking sinabi. Hindi ako umimik ngunit bandang huli ay pinaliwanag ko na okey lang kako sa akin kung balak na niya akong layuan.
Katwiran ko ay alam ko naman na balang araw ay puwedeng mangyari ito sa amin at pinaghandaan ko na ang pagdating ng araw na iyon. Umiling si Nanding saka nagsalita. Hindi raw mangyayari ang pinangangambahan ko dahil maingat siya sa relasyon namin.
Pagkatapos ay lumipat siya ng puwesto sa pagkakahiga. Tumalikod sa akin at napansin ko na lang na nakatulog na pala. Bitin ang pag-uusap namin. Wala akong nagawa kundi tumabi na rin sa kanya. Nakatulugan ko ang malalim na pag-iisip sa katatapos lang naming pag-uusap.
Hindi na nagising pa si Nanding sa buong magdamag. Tinulugan lang niya ako. Kinabukasan ay nagtaka ako kung bakit ang aga niyang nagising. Kailangan daw niyang umalis dahil may kausap siya sa negosyo nila. Hindi naman niya dating ginagawa ito na maaga pa ay umaalis na sa akin.
Hahaba pa ang kuwento kung iisa-isahin ko ang pangyayari nang mga sumunod na araw. Masalimuot at napakabigat sa dibdib ko. Pinanghinaan ako ng loob nang malaman ko ang tunay na dahilan kung bakit parang nanlalamig na sa akin si Nanding.
Woman’s instinct siguro dahil natunugan ko ang dahilan ng biglang pananamlay ng dati’y masiglang pakikitungo niya sa akin. May ibang babae na naman si Nanding. Nagsawa na rin siguro siya sa akin kaya naghanap uli ng ibang kandungan. Naniniwala akong ganito nga ang nangyari sa kanya dahil ito rin ang dahilan kung bakit naging mapilit siya na makuha ako hanggang sa maibahay.
Kabit na nga ako, naghanap pa ng ibang kabit si Nanding. Bale tatlong babae na kami sa buhay niya. Una ang original niyang asawa, ako at itong bagong dating na kasosyo ko ngayon sa atensyon niya. Masuwerte talaga kapag bago dahil buhos ang atensyon ng lalaki sa iyo. Katulad noong bago-bago lang ang relasyon namin ay alagang-alaga ako ni Nanding. Panay-panay rin ang sex namin noon na bandang huli ay bigla siyang tumamlay.
Kaya pala nananamlay na sa akin eh, dahil may bago siyang kinagigiliwang uwian at sipingan. Ang bigat sa loob ko na malamang may kinalolokohan na naman siyang iba. Ngunit hindi na ako nagalit pa. Hindi ko rin siya sinumbatan tungkol dito.
Kinausap ko na lang si Nanding na kung ayaw na niya sa akin ay diretsuhin na ako para tapos na ang relasyon namin. Ayaw pa raw niyang tapusin ang pagsasama namin. “Ano’ng gusto mo, tatlo-tatlo kami na kung kailan mo gustong uwian ay doon mo lang sisiputin?” sabi ko sa kanya.
Sukat doon sa sinabi ko ay biglang nagalit si Nanding. Hindi naman daw siya nagkukulang sa akin kahit nagloloko siya. Ganun pa rin daw ang binibigay niya sa akin kahit may bago na siyang kinalolokohan. Totoo iyon ngunit hindi ko gusto ang ganitong klaseng arrangement. Salu-salo na kami at unang kinatakot ko ay baka magkasakit ako o sinuman sa amin sa kagagamit ni Nanding.
Nagpasya akong umalis na lang. Pinakiusapan ko siyang huwag na akong pigilan para matahimik na rin ang buhay ko. Tinanong niya ako kung saan pupunta. Wala kako dahil wala na rin akong uuwiang pamilya buhat nang sumama ako sa kanya.
Hindi na ako pinigilan ni Nanding. Binigyan pa niya ako ng konting halaga. Pero sakaling magbago raw ang isip ko ay kontakin ko lang siya. Hindi ko na ginawa ito. Tuluy-tuloy na ang pag-alis ko. Naisip ko rin na tama na ang kalokohan ko. Marami na akong kasalanan unang-una sa aking pamilya na inabandona ko.
Sa ngayon ay isang madilim na nakaraan na lamang ang turing ko sa naging takbo ng buhay ko noon. Inuusig ako minsan ng aking konsensya ngunit ipinagdarasal ko na lamang na sana’y patawarin ako sa mga ginawa ko.
What did you think of this story??
Comments