Minsan Masarap Talaga

Minsan Masarap Talaga

“Habulin mo ako Pards kung kaya mo akong abutan.” ang hamon ni Ace sa minamahal niyang si Ryan.

“Sprinter yata ako kaya ibalik mo na ang sombrero ko. Tiyak naman na maabutan kita agad at makukuha ko rin agad ang sombrero ko.” ang nasabi naman ni Ryan sa tumatakbong si Ace.

Nasa isang private beach resort ang nagmamahalang Ace at Ryan na sila lamang dalawa ang kasalukuyang tao sa resort na iyon. Nasa dalampasigan sila noon at naglalakad na magkahawak kamay ng bigla na lamang hablutin ni Ace ang suot na sombrero ni Ryan na yari sa native na materyales.

Hinabol nga ni Ryan si Ace. Mga athlete sila noong college pa sila sa iisang unibersidad. Si Ryan ay sa athletics at si Ace naman ay sa swimming. Una silang napalapit sa isa’t isa nang sabay silang ipinadala ng kanilang school sa isang inter-university sports fest. Simula noon ay naging matalik na silang magkaibigan at nang malaman nila ang tunay na pagkatao ng isa’t isa ay mas tumindi pa ang kanilang pagkakaibigan na nauwi sa tunay na pagmamahalan. Pards ang nakasanayan nilang tawagan sa isa’t isa. Magpipitong taon na silang nagmamahalan at doon sa private resort na iyon nila nais magkasarinlan sa kanilang anibersaryo.

“Akala mo hindi kita mahahabol ah.” ang biglang nasabi ni Ryan ng malapit na niyang maabot si Ace.

“Pero hindi mo makukuha ang sombrero mo.” ang nasabi naman ni Ace na pilit pa ring iniiwas ang sombrero ni Ryan upang hindi niya ito maagaw.

Sinunggaban ni Ryan si Ace na naging sanhi ng pagbagsak nilang dalawa sa buhangin. Naglapat ang kanilang mga katawan. Nagkatitigan. Dahan-dahang naglapit ang kanilang mga mukha. Hanggang sa lumapat na ang mga labi ni Ryan sa mga labi ni Ace. Naghalikan ang dalawa sa tabing dagat na iyon saksi ang haring araw. Hindi na inalintana ng dalawa na baka may naliligaw na mangingisda doon at nasasaksihan din ang tila pulo’t gata nilang pagpapahayag ng pag-ibig sa isa’t isa.

“Ha ha ha ha….. Akala mo mabagal na ako sa pagtakbo ha. Kayang-kaya ko pang tumakbo sa 100 meter dash na less than 13 seconds. Ako parin yata ang may hawak ng record ng school natin.” ang pagmamayabang naman ni Ryan ng tumigil ang dalawa sa halikan.

“Dyan ka lang naman magaling eh. Hindi mo naman ako kakayanin sa swimming. Naka-ilang gold medal na rin ako sa mga palarong sinalihan ko.” ang pagmamayabang naman ni Ace.

“Ganoon ah. Sige nga. Unahan tayo sa paglangoy papunta sa bangkang iyon.” ang hamon ni Ryan kay Ace.

Kinagat naman ni Ace ang hamon ni Ryan dahil alam naman niya na mas mabilis siyang lumangoy kaysa kay Ryan.

“Ready. Get set. Go!” ang sigaw ni Ace at nagsimula silang tumakbo papunta sa dagat.

Nilangoy ng dalawa ang dagat papunta sa nakadaong na bangka sa di naman kalayuan sa dalampasigan. Subalit may kalaliman na rin ang kinalalagyan ng bangkang iyon.

“Help Pards! Hindi ko maigalaw ang isang paa ko!” ang sigaw ni Ace at tila nalulunod na siya.

Bahagyang tumigil sa paglangoy si Ryan at tinignan lamang si Ace. Biglang naisip ni Ryan na isang biro na naman iyon at nais lamang makauna sa languyan si Ace kaya umaarte siya ng ganoon. Nakailang ulit na rin kasing ginagawa ni Ace ang ganoong biro kay Ryan. Hindi na ito pinaniniwalaan ni Ryan dahil napakagaling naman talagang lumangoy ni Ace at natitiyak ni Ryan na hindi siya malulunod.

Nagpatuloy lamang sa paglangoy si Ryan hanggang sa marating niya ang bangkang nagsisilbing finish line nila. Umahon si Ryan sa tubig at tumungtong sa bangkang iyon. Muli niya tinanaw ang kinaroroonan ni Ace. Subalit laking gulat niya ng wala siyang makitang Ace na lumalangoy. Biglang kinabahan si Ryan. Bigla niyang naisip na totoo na pala ang paghingi ng saklolo ni Ace sa kanya.

Dali-dali siyang nag-dive sa dagat at binalikan ang kinaroroonan ni Ace. Sisid dito, sisid doon ang ginawa ni Ryan upang matunton lamang ang kinalalagyan ni Ace sa ilalim ng dagat. Subalit kahit anong gawing pagsisid ni Ryan ay hindi niya makita si Ace sa ilalim ng dagat. Hanggang sa makaramdam siya ng pagod at panghihina ng katawan. Napilitan siyang tumigil sa paghahanap kay Ace.

“Pards, nasaan ka na! Pards!!!!!!!!!!!!!!!” ang biglang sigaw ni Ryan nang hindi na niya makita si Ace.

“Ahhhhhhhh!!!!!!!!” ang sigaw ni Ryan ng magising siya.

Isang masamang panaginip lang pala ang nangyaring iyon kay Ace. Kahit na panaginip lamang iyon ay kinabahan pa rin si Ryan. Subalit pilit niyang pinakalma ang kanyang sarili. Nasa Baguio si Ace ng araw na iyon at sa kinabukasan pa siya makakabalik sa Manila. May convention kasing dinaluhan si Ace at siya ang pinadala ng kanilang kumpanya. Anibersaryo nila ng araw na iyon. Pero kahit anong pakiusap ni Ace na iba na lamang ang ipadala sa convention ay hindi niya napapayag ang kanyang boss. Okey lang naman kay Ryan iyon. Pagbalik na lamang ni Ace sa Manila sila magce-celebrate ng kanilang anniversary.

Comments

Scroll To Top